ABSTRAK: Ang kwalitatibong pananaliksik na ito ay isang pag-aaral tungkol sa mga makabagong awiting Filipino na sumasalamin sa kultura ng modernong pamamaraan ng panliligaw sa kasalukuyan. Layunin nitong suriin ang mga linggwistikong elemento na makikita sa mga liriko ng makabagong awiting Filipino mula sa mga taong 2020-2024 gamit ang Kritikal na Diskursong Pag-aanalisa ni Fairclough (1995), gayundin ang pagaanalisa sa iba’t ibang uri ng semantikong kahulugan na tinataglay ng mga kanta gamit naman ang Semantikong Teorya ni Leech (1974). Ginamit sa pag-aaral na ito ang kwalitatibong disenyo ng pag-aaral gamit ang dikursong pagsusuri bilang dulong upang suriin ang limampu’t isang (51) piling mga makabagong awiting Filipino na nagsilbing korpora sa pag-aaral. Ipinakita ng mga resulta na ang mga makabagong awiting Filipino ay naglalaman ng pitong (7) linggwistikong elemento na namukod sa ginawang pagsusuri: ang tugma, anapora, epipora, aliterasyon, asonansiya, metapora at slang. Dagdag pa, may pitong (7) aspekto naman ng semantikong pagpapakahulugan ang namukod sa ginawang pagsusuri: ang konseptwal na kahulugan, konotatibong kahulugan, panlipunang kahulugan, emosyonal na kahulugan, replektibong kahulugan, kolokasyonal na kahulugan, at tematikong kahulugan. Makikita rin sa pag-aaral na ito ang iba’t ibang tema at mensahe na siyang tampok sa mga piling makabagong awiting Filipino mula sa mga taong 2020-2024. Ang pag-aaral na ito ay nagaambag sa mas malalim na pag-unawa sa mga piling makabagong awiting Filipino bilang isang uri ng pagpapahayag ng damdamin gamit ang mga linggwistikong elemento at pagtatampok sa iba’t ibang uri ng semantikong kahulugan na sumasalamin sa modernong kultura ng panghaharana.