ABSTRACT: Ang pag-aaral na ito ay gumamit ng mixed-method na pamamaraan na sumusuri sa hamon ng mga mag-aaral sa bisa ng ChatGPT sa pagsasalin. Kung saan, ginamit ang isang convergent parallel mixed method na disenyo dahil nakakalap ito ng iba-iba at komplementaryong data sa parehong paksa. Sa kwantitatibong bahagi, mayroong 131 na mga mag-aaral ang tumugon sa pag-aaral, at 14 naman ang sa kwalitatibong bahagi. Isiniwalat sa resulta na ang lebel ng bisa ng ChatGPT sa pagsasalin ay mataas, at ang naturang indikeytor na “tulong sa maayos na daloy ng gawain” ang may pinakamataas na mean. Sa kwalitatibong bahagi, isinawalat ng mga mag-aaral ang kanilang karanasan patungkol sa paggamit ng ChatGPT, partikular sa pagsasalin at sa mga hamon na kanilang naranasan. Batay sa kanilang mga sagot, may natuklasang mga pangunahing tema: pinabilis at pinadaling akses ng kaalaman gamit ang teknolohiya, pagsandal sa AI na may epekto sa sariling pagkatuto at kritikal na pag-iisip, at pagdanas ng mga hamon at pagkatuto sa paggamit ng AI sa pagsasalin. Inilahad din sa kanilang pananaw ang positibo at negatibong dulot ng paggamit ng ChatGPT sa pagsasalin, kabilang ang mas mabilis na pagsasalin ngunit may posibilidad ng kawalan ng lalim sa pagunawa. Ang integrasyon ng data sa parehong kwantitatibo at kwalitatibo na mga resulta ng data ay nagpahiwatig na mayroong convergent sa mga natuklasan mula sa parehong uri ng data.