ABSTRAK: Ang pananaliksik na ito ay isang kwalitatibong disenyo ng pag-aaral gamit ang error analysis bilang dulog upang suriin ang limampu’t isang (51) piling sanaysay na isinalin gamit ang ChatGPT tungo sa Wikang Filipino mula sa mga mag-aaral ng BSED Medyor sa Ingles na kasalukuyang nasa una at pangalawang baitang ng kolehiyo na nagsilbing kropora sa pag-aaral. Layunin ng pananaliksik na ito ay suriin at galugarin ang mga kamaliang sa gramatika na nagawa ng ChatGPT sa pagsasalin tungo sa Wikang Filipino ng mga piling Ingles na sanaysay gamit ang Surface Structure Taxonomy nina Dulay et al., (1982). Batay sa naging resulta, may apat (4) na uri ng kamalian sa gramatika ang natukoy sa saling sanaysay gamit ang ChatGPT. Ito ay mga kamaliang pagkukulang, pagdaragdag, kamalian sa anyo, at kamalian sa pagkasunod-sunod. Samantala, pitong (7) partikular na kamalian naman ang naitalang nagawa ng ChatGPT sa pagsasalin ng mga Ingles na sanaysay tungo sa Wikang Filipino. Ang mga ito ay pagkukulang, pagdaragdag na regularisasyon, simpleng pagdaragdag, kamalian sa anyo na regularisasyon, kamalian sa anyo na anyong archy, kamalian sa anyo na pagpapalit-anyo at kamalian sa pagkasunod-sunod. Sa kabila ng pagiging epektibong kagamitan ng ChatGPT hindi pa rin maikakaila ang limitado nitong akses sa larangan ng pagsasalin, lalong lalo na sa gramatika at tuntunin ng Wikang Filipino.