ABSTRACT : Ang patuloy na suliranin sa kakulangan ng memorya at kognitibong pakikilahok ng mga mag-aaral ay nagiging hadlang sa epektibong paglinang ng kanilang kasanayan sa pagsulat ng sanaysay. Layunin ng pag-aaral na ito na masusing suriin ang ugnayan ng antas ng memorya at kognitibong pakikilahok sa kasanayan ng mga mag-aaral sa pagsulat ng sanaysay. Gumamit ang pananaliksik ng kwantitatibong disenyo, partikular ang regression analysis, upang matukoy ang antas ng epekto ng mga salik na ito sa kasanayang pampagsulat. Sa pamamagitan ng purposive sampling, napiling kalahok ang 154 na mag-aaral mula sa kursong BSED Filipino ng Kapalong College of Agriculture, Sciences, and Technology. Ipinakita ng mga resulta na may mataas na antas ng memorya at kognitibong pakikilahok ang mga kalahok, gayundin ang kasanayan nila sa pagsulat ng sanaysay. Natukoy rin ang makabuluhang ugnayan sa pagitan ng mga nabanggit na salik, na nagpapahiwatig na ang mas mataas na antas ng memorya at kognitibong pakikilahok ay may positibong impluwensiya sa pag-unlad ng kasanayan sa pagsulat. Sa kabuuan, nagbibigay ang pag-aaral na ito ng mahalagang batayan para sa mga guro, tagapamahala ng paaralan, at mga mananaliksik sa pagbuo ng mga estratehiya at programang magpapalakas sa pagsasanay ng mga mag-aaral sa malikhaing at lohikal na pagsulat ng sanaysay.
Keywords: Antas ng memorya, kasanayan sa pagsulat ng sanaysay, Kcast, medyor sa filipino, pilipinas, purposive sampling