ABSTRAK: Ang pag-aaral na ito ay gumawa ng pagsusuri sa mga hamon sa pag-unawa sa pakikinig sa Ingles ng mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa wikang Filipino ng College of Teacher Education ng Western Mindanao State University. Sa pagkilalang mahalaga ang wika bilang kasangkapan sa komunikasyon at pagkakaisa, binibigyang-diin ng pananaliksik na ito ang kahalagahan hindi lamang ng mahusay na kaalaman sa sariling wika kundi maging sa wikang Ingles. Dahil ang pakikinig ay isa sa mga pinakamahirap na kasanayan sa pag-aaral ng Ingles, ito ang naging pangunahing pokus ng pananaliksik. Gumamit ng kwantitatibong disenyo ang mga mananaliksik upang suriin ang mga tiyak na hamon sa pakikinig na nararanasan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang antas na nasa larang ng Filipino. Ginamit sa pagkalap ng datos ang isang talatanungan na tumukoy sa mga pangunahing suliranin sa pakikinig. Batay sa resulta, limang indikasyon mula sa dalawampu ang nakakuha ng mean score na 3.4 hanggang 4.20 na nagpapahiwatig na ito ay mga hamong kadalasang nararanasan, gaya ng usapang maikli o hindi kapana-panabik, hirap sa pagpokus habang nag-iisip ng kahulugan ng bagong salita, mahinang kalidad ng audio, at mabilis magsalita ang tagapagsalita. Bukod dito, tatlo sa limang kategorya— listener factors, kakulangan sa konsentrasyon, at speaker factors—ang itinuturing na pinakamatitinding hamon, at walang kategoryang itinuring na madali. Lumabas din sa Kruskal-Wallis test na tanging ang linguistic aspect lamang ang may makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng iba’t ibang antas ng mga mag-aaral. Sa kabuuan, layunin ng pananaliksik na ito na makapag-ambag sa umiiral na kaalaman at makapagpanukala ng mga interbensyon upang mapabuti ang kasanayan sa pakikinig sa Ingles ng mga mag-aaral.
KEYWORDS : Filipino Major, Hamon, Ingles, Pag-unawa sa Pakikinig