ABSTRACT: Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang antas ng kasanayan ng mga mag-aaral sa Ikapitong Baitang sa wastong gramatika sa asignaturang Filipino, tukuyin ang mga hamon na kanilang nararanasan, at alamin ang mga estratehiyang maaaring gamitin upang mapaunlad ang kanilang kakayahan sa gramatika. Ginamit ang deskriptibong disenyo at kwantitatibong pamamaraan sa pamamagitan ng grammar examination at talatanungan sa 30 mag-aaral at 10 guro ng Barretto National High School. Ipinakita ng resulta na ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pagbaybay at paggamit ng bantas ay nasa antas na Satisfactory (mean = 4.67 at 4.73), samantalang ang kasanayan sa wastong salita ay mas mababa, Fairly Satisfactory (mean = 3.01). Ang pangunahing hamon sa gramatika ay ang pagka-depende sa spell-checker, maling paggamit ng panlapi, at hindi tamang paglalagay ng tuldok at kuwit. Sa usapin ng estratehiya, pinakasuportado ng mga mag-aaral ang collaborative editing at group analysis (mean = 2.98) bilang epektibong paraan ng pagtuturo. Ipinapakita ng pagaaral na may pangangailangan para sa mas sistematiko, kolaboratibo, at aktibong pamamaraan sa pagtuturo ng gramatika upang mapaunlad ang kasanayan ng mga mag-aaral.
SUSING SALITA- Gramatika, Pagbaybay, Bantas, Wastong Salita, Estratehiya sa Pagtuturo