ABSTRAK: Ang wikang Filipino ay hindi lamang pangunahing daluyan ng komunikasyon sa bansa, kundi isa ring makapangyarihang kasangkapan sa paghubog ng kultura at pagkakakilanlan ng sambayanang Pilipino. Sa makabagong panahon, nananatiling sentral ang mga dramang pantelebisyon sa paglalantad ng karanasan, paniniwala, at pagpapahalagang Pilipino na binibigyang-buhay sa pamamagitan ng ating sariling wika. Dahil sa malawak na abot at impluwensya ng telebisyon, nagiging makabuluhang espasyo ito kung saan nahuhubog at naipapahayag ng kabataan ang kanilang kultural, panlipunan, at personal na identidad. Nilalayon ng pag-aaral na ito na suriin kung paano nagagamit ang Wikang Filipino sa mga dramang pantelebisyon at kung paano ito nakaaapekto sa pagbuo ng kultural, panlipunan, at personal na identidad ng mga kabataang Pilipino. Gumamit ang mga mananaliksik ng deskriptibong kwantitatibong disenyo upang masukat ang antas ng paggamit ng wika at epekto nito sa identidad ng mga manonood. Tatlumpung (30) mag-aaral mula sa dalawang paaralan sa Zambales ang nagsilbing respondente sa inihandang sarbey tseklist. Ang mga nakalap na datos ay sinuri gamit ang Weighted Mean at General Weighted Mean. Lumabas sa pag-aaral na lubusang ginagamit ang Wikang Filipino sa mga dramang pantelebisyon, lalo na sa malinaw na pagpapaliwanag ng mga isyung panlipunan, paglalantad ng kultura at araw-araw na buhay ng mga Pilipino, at pagpapalalim ng emosyon sa bawat eksena. Napatunayan din na ang paggamit ng Filipino ay may positibong epekto sa kultural na identidad, dahil nakapagpapalakas ito ng pagpapahalaga sa tradisyon, paniniwala, sining, at makabayang damdamin. Sa aspeto ng panlipunang identidad, natuklasang nailalarawan ng wika ang tunay na kalagayan ng lipunan at nagpapalakas ng malasakit, bayanihan, at pakikipagkapwa. Samantala, sa personal na identidad, nakatutulong ang wikang Filipino upang mahubog ang moral na pagpapahalaga, makilala ng kabataan ang kanilang sarili bilang Pilipino, at mapataas ang kanilang kumpiyansa. Pinatunayan ang pag-aaral na ang mga dramang Filipino ay nananatiling makapangyarihang midyum sa pagpapatibay ng identidad ng kabataang Pilipino, at ang wikang Filipino ang nagsisilbing sentral na instrumento sa paghubog na ito.
SUSING SALITA: Wikang Filipino, kabataan, identidad, teleserye, kultural, panlipunan, personal, dramang pantelebisyon