ABSTRACT : Ang pangunahing layunin ng pag-aaral na ito ay matukoy at masuri ang mga hamong nararanasan ng mga mag-aaral sa kasanayang pangwika, partikular na sa pakikinig, pagsasalita, pagsulat, at pagbasa. Ang pag- aaral ay isinagawa sa mga paaralang Infanta Integrated School at Lipay National High School, taong panuruan 2025-2026, na may kabuuang bilang na 30 mag-aaral mula sa ikawalong baiting bilang mga tagatugon. Sa pag- aaral na ito ay gumamit ang mga mananaliksik ng survey-questionnaire (checklist type) para sa pagkalap ng mga kinakailangang datos at ito ay sinuri batay sa kinalabasan gamit ang frequency, weighted mean, at pagraranggo. Batay sa naging resulta, lumitaw na ang kasanayang pagsasalita ang may pinakamataas na antas ng hamon na may overall weighted mean na 2.64, na pangunahing nakaugat sa takot sa panghuhusga at kakulangan sa tiwala sa sarili. Sumunod ang pakikinig na may overall weighted mean na 2.47, na apektado ng ingay sa kapaligiran at bilis ng pagsasalita ng tagapagsalita. Samantala, ang pagbasa 1.95 at pagsulat 1.95 ay may katamtamang antas ng hamon, na nakasentro sa komprehensiyon, bokabularyo, at teknikal na aspeto gaya ng gramatika at bantas. Ipinahihiwatig ng pag-aaral na ang mga hamong ito ay may implikasyon sa akademikong pagganap ng mga mag- aaral, kaya’t mahalagang makabuo ng mga mungkahi at interbensyon upang mapalakas ang kanilang kasanayang pangwika.
KEYWORDS: kasanayang pangwika, hamon, pakikinig, pagsasalita, pagsulat, pagbasa