ABSTRAK: Layunin ng pag-aaral na ito na masusing suriin ang paggamit ng katutubong wika sa mga kontemporaryong akdang pampanitikan sa Filipino. Partikular nitong nilalayon na maunawaan kung paano isinasama ng mga manunulat ang katutubong wika sa kanilang mga akda bilang bahagi ng malikhaing pagpapahayag. Sa pamamagitan nito, tinutukoy din ng pananaliksik ang iba’t ibang anyo at paraan ng paggamit ng katutubong wika sa panitikan, tulad ng paggamit ng mga salitang rehiyonal, sawikain, o diyalektong nagpapahayag ng lokal na kultura. Bukod dito, layon ding ilarawan ang epekto ng pagsasama ng katutubong wika sa paghubog ng identidad at pagpapalalim ng kulturang Pilipino sa mga akdang pampanitikan. Higit sa lahat, layunin ng pag-aaral na alamin ang pananaw ng mga mambabasa hinggil sa ganitong uri ng pagsasanib-wika kung ito ba ay nakadaragdag sa bisa at pagunawa nila sa nilalaman ng akda o nagdudulot ng hadlang sa pag-unawa. Sa kabuuan, inaasahang makatutulong ang pananaliksik na ito sa pagbibigay-linaw sa ugnayan ng wika, kultura, at identidad sa larangan ng panitikang Filipino.
MGA SUSING SALITA: Katutubong Wika, Kontemporaryong Panitikang Filipino, Identidad at Kultura