ABSTRACT : Layunin ng pag-aaral na ilarawan ang pananaw ng mga mag-aaral sa antas ng kanilang naramdamang istres. Gayundin, upang suriin kung may makabuluhang pagkakaibang mabubuo kung ipagpapangkat sa kanilang kasarian at edad. Ang pag-aaral ay nilahukan ng 120 mag-aaral na nasa ikapitong baitang, mula sa isang pampublikong paaralan sa Sangay Pampaaralan ng Pampanga, Pilipinas. Pinili ang mga mag-aaral gamit ang stratified sampling technique mula sa limang pangkat. Gamit ang deskriptibongkomparatibong disenyo ng pag-aaral, pinasagutan sa mga kalahok ang isang talatanungan na nahahati sa dalawang bahagi: (1) demograpikong propayl; at (2) pananaw sa antas ng naramdamang istres sa nakalipas na isang buwan. Napag-alamang karamihan sa mga respondiyente ay mga babae at karamihan sa mga kalahok ay nasa edad 12. Pangkalahatang nakita na paminsan-minsang nakararamdam ng istres ang mga mag-aaral; samantalang, madalas naman sa pagdanas ng kaba at pagkabalisa. Dagdag pa rito, napatunayang may makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng kasarian at pananaw sa antas ng naramdamang istres, lalong higit sa mga kababaihan. Sa kabuoan, inimumungkahi nitong pag-aaral na mahalagang bumuo ang mga paaralan ng mga interbensiyon na may aktibidad o gawain ukol sa pamamahala ng antas ng istres ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang.
KEYWORDS: edad, istres, kalusugang pangkaisipan, kasarian, pamamahala ng istres