ABSTRAK: Layunin ng pananaliksik na ito na suriin ang kahalagahan at epekto ng paggamit ng Wikang Filipino sa mga transaksiyong pangnegosyo, partikular sa ugnayan ng mga negosyante at mamimili. Gumamit ng deskriptibong disenyo ng pananaliksik at nakalap ang datos gamit ang sarbey at panayam. Lumitaw na mas pinapaboran ng mga kalahok ang paggamit ng Wikang Filipino kaysa sa iba pang wika sa kanilang mga transaksiyon. Batay sa mga pananaw ng mga negosyante at mamimili, ang paggamit ng Filipino ay nakapagpapadali ng komunikasyon, nakapagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng mamimili at nagbebenta, at nakapagpapataas ng antas ng tiwala sa negosyo. Sa pamamagitan ng tematikong pagsusuri, natukoy ang tatlong pangunahing tema: (1) Pagbuo ng tiwala at katapatan ng kostumer, (2) Pagtiyak ng kalinawan at inklusibidad, at (3) Pagmamalaki at pagkakaugnay sa kultura. Ipinapakita ng pag-aaral na ang Wikang Filipino ay hindi lamang daluyan ng pakikipag-usap kundi isang mabisang estratehiya sa pagpapaunlad ng negosyo at pagkakaroon ng pangmatagalang ugnayan sa mga mamimili. Inirerekomenda ang higit na paggamit ng Filipino sa komunikasyon at marketing upang maisulong ang inklusibong pag-unlad at pagpapatibay ng identidad kultural sa larangan ng negosyo.
Mga Susing Salita: Wikang Filipino, Ugnayan sa Negosyo, Mamimili, Lokal na Pamilihan