ABSTRACT: Ang pag-aaral na ito ay isinagawa upang matukoy ang antas ng kasanayan sa akademikong pagsulat ng talata gamit ang teknolohiya ng mga mag-aaral, partikular sa pagbuo ng panimula, katawan, at konklusyon, gayundin ang mga hamong kanilang kinahaharap sa proseso ng pagsulat. Ginamit sa pananaliksik ang deskriptibong metodo, at ang mga tagatugon ay binubuo ng 145 na mag-aaral. Ang datos ay nakalap sa pamamagitan ng talatanungan at sinuri gamit ang frequency, percentage, at weighted mean.Batay sa resulta, lumitaw na mababa ang antas ng kasanayan sa pagbuo ng panimula at konklusyon, samantalang katamtaman lamang ang antas ng kasanayan sa pagbuo ng katawan ng talata. Ang pangkalahatang antas ng kasanayan sa akademikong pagsulat ng talata gamit ang teknolohiya ay katamtaman. Bukod dito, ipinakita ng mga resulta na sumasang-ayon ang mga mag-aaral na sila ay nakararanas ng mga hamon sa lahat ng bahagi ng akademikong sulatin. Kabilang sa mga pangunahing hamon ang labis na pagdepende sa teknolohiya, kakulangan sa organisasyon ng ideya, at hirap sa pagbubuod at sintesis ng kaisipan. Batay sa mga natuklasan, iminungkahi ang isang technology-integrated at process-based interbensiyong plano upang higit na mapaunlad ang kasanayan ng mga mag-aaral sa akademikong pagsulat.
Keywords-Akademikong Pagsulat, Teknolohiya sa Edukasyon, Pagsulat ng Talata, Panimula, Katawan, Konklusyon, Mga Hamon sa Pagsulat, Digital Writing Tools