ABSTRAK Layunin: Nilalayon ng pag-aaral na ito na masuri ang kabisaan ng estratehiyang Directed ReadingThinking Activity (DRTA) sa paglinang ng kasanayan sa maunawang pagbasa ng mga mag-aaral sa ikawalong antas. Tinutukoy nito ang pagkakaiba ng epekto ng DRTA at tradisyonal na pagtuturo sa tatlong kasanayan: paghihinuha batay sa mga ideya o pangyayari sa akda, pagtutuos sa datingkaalaman, at ebalwasyon ng sanhi at bunga ng mga pangyayari.
Metodolohiya: Gumamit ang pag-aaral ng quasi-experimental na disenyo na kinasangkutan ng dalawang pangkat ng mga mag-aaral sa ikawalong antas. Ang isang pangkat ay sumailalim sa tradisyonal na pagtuturo, samantalang ang isa ay ginamitan ng estratehiyang DRTA. Gumamit ng pagsusulit at talatanungan bilang mga instrumento sa pangangalap ng datos. Ang mga nakalap na datos ay sinuri gamit ang mean, standard deviation, at independent samples t-test upang matukoy ang antas ng performans at makabuluhang pagkakaiba ng dalawang pangkat.
Resulta: Ipinakita ng mga resulta na mas epektibo ang DRTA sa pagpapahusay ng kasanayan sa paghihinuha at ebalwasyon ng sanhi at bunga ng mga pangyayari kumpara sa tradisyonal na pagtuturo. Bagama’t parehong nasa antas ng instructional ang dalawang pangkat sa kasanayang pagtutuos sa dating kaalaman, natukoy ang mas mataas na mean score ng pangkat na ginamitan ng DRTA, na nagpapahiwatig ng positibong epekto nito sa maunawang pagbasa