ABSTRACT : Ang pagkatuto ng Wikang Filipino ay isang mahalagang aspekto ng paghubog ng identidad bilang isang Pilipino at bilang pangunahing midyum ng komunikasyon at kaalaman ng bawat isa. Gayunpaman, sa gitna ng tumitinding globalisasyon at dominasyon ng mga banyagang wika ay unti-unti nang lumilitaw ang mga hamon sa bisa at lalim sa pagkatuto ng Wikang Filipino. Kaya, ang pangunahing layunin ng pag-aaral na ito ay matukoy ang impluwensiya ng banyagang wika sa pagkatuto ng Wikang Filipino ng mga mag-aaral mula sa institusyon ng Teacher Education sa institusyon ng KCAST. Ang pag-aaral na ito ay gumamit ng mixed method na disenyo, partikular ang convergent parallel approach. Sa kwantitatibong bahagi, mayroong 287 na mga mag-aaral ang tumugon sa pag-aaral at 14 naman na mag-aaral sa kwalitatibong bahagi: 7 sa pinalalim na pakikipanayam at 7 naman sa pokus na pangkalahatang talakayan. Sa resulta, isiniwalat sa kwantitatibong bahagi na ang lebel ng impluwensiya ng banyagang wika at pagkatuto ng Wikang Filipino ay mataas. Sa karagdagan, ang dalawang baryabol ay may makabuluhang ugnayan, r (287) = .732, p<001. Sa kwalitatibong bahagi ay isiniwalat ang mga temang sumasalamin sa mga karanasan, pamamaraan at pananaw ng mga magaaral, may iilang naniniwala sa positibo at negatibong epekto ng ibayong impluwensiya ng banyagang wika sa kanilang pagkatuto ng Wikang Filipino. Ang integrasyon ng mga data sa mahahalagang natuklasan sa kwantitatibo at kwalitatibong parte ay nagpapakita na mayroong pagtatagpo sa mga resulta mula sa respondente at partisipante. Ang mga natuklasan sa pananaliksik na ito ay makatutulong sa guro, administrador ng institusyon at mga mag-aaral upang magsagawa ng iba’t ibang aktibidad o programa upang magkaroon ng malawak na kaalaman, malalim na pag-unawa at upang mapanatili ang kahalagahan ng Wikang Filipino lalo na sa kasalukuyang panahon.