ABSTRAK : Sinusuri ng pag-aaral na ito ang antas ng kahandaan ng mga guro sa implementasyon ng Strengthened Senior High School Program (SSHSP) ng Department of Education (DepEd). Sa gitna ng patuloy na reporma sa sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas, kinikilala ang mga guro bilang pangunahing salik sa matagumpay na pagpapatupad ng mga pagbabago sa kurikulum. Gumamit ang pananaliksik ng mixed-method research design na pinagsasama ang deskriptibong kwantitatibong pagsusuri sa pamamagitan ng sarbey at kwalitatibong pagsusuri gamit ang panayam at focus group discussion (FGD). Layunin ng pag-aaral na matukoy ang antas ng kahandaan ng mga guro batay sa apat na dimensyon: (1) pagtuturo, (2) kasanayan, (3) hamon, at (4) kurikulum; masuri kung may makabuluhang pagkakaiba sa antas ng kahandaan kapag inuri ayon sa edad, kasarian, haba ng karanasan sa pagtuturo, at asignaturang tinuturuan; at matukoy ang mga pangunahing suliraning kinahaharap ng mga guro sa aktuwal na implementasyon ng SSHSP. Ipinakikita ng mga resulta na mataas ang antas ng kahandaan ng mga guro sa mga dimensyong pagtuturo, kasanayan, at kurikulum, habang ang dimensyon ng hamon ay nananatili sa antas na ―handa.‖ Lumitaw din na walang makabuluhang pagkakaiba sa antas ng kahandaan ng mga guro kapag inuri ayon sa kanilang demograpikong katangian. Ipinahihiwatig ng mga natuklasan na ang kahandaan ng guro ay hindi lamang nakabatay sa personal na kakayahan kundi higit na naiimpluwensiyahan ng institusyonal na suporta, sapat na pagsasanay, at pagkakaroon ng angkop na kagamitang pampagtuturo. Batay sa mga resulta, inirerekomenda ang patuloy at sistematikong professional development at mas pinatibay na suporta ng DepEd at pamunuan ng paaralan upang higit na mapahusay ang implementasyon ng SSHSP.
Mga Susing Salita: kahandaan ng guro, Senior High School, SSHSP, DepEd, implementasyon ng kurikulum