ABSTRAK: Ang pangunahing layunin ng pananaliksik na ito ay suriin at unawain ang mga hamong kinakaharap ng mga pampublikong guro sa ilalim ng makabagong kurikulum, gamit ang isang phenomenolohikal na pag-aaral. Layunin ng pag-aaral na tuklasin kung paano hinaharap ng mga guro ang pagbabago sa kurikulum, kung paano ito nakaapekto sa kanilang pagtuturo, at kung paano nila pinangangalagahan ang kalidad ng edukasyon sa kabila ng mga balakid. Sa pamamagitan ng malalimang panayam, pangkatang talakayan, at tematikong pagsusuri tinutukoy ang mga pangunahing hamon tulad ng kakulangan sa kahandaan, limitadong suporta sa pagsasanay, kakulangan ng mga kagamitan o sanggunian na mapagkukunan, mga isyung may kaugnayan sa lokasyon ng pandaigdigang pamantayan, at epekto ng kurikulum sa pagkatuto ng mag-aaral. Ipinakita rin ng pananaliksik ang mga estratehiya at pananaw ng mga guro sa pagsasakatuparan ng MATATAG kurikulum sa konteksto ng makabagong pamantayan lalo na sa pagtuturo ng asignaturang Filipino. Iminumungkahi ng pag-aaral na kailangan ng mas maigting na suporta mula sa mga ahensya ng edukasyon upang matugunan ang mga suliraning ito. Sa pamamagitan ng pagbibigay tuon sa mass epektibong pagsasanay, mas mahusay na materyales, at mas maayos na implementasyon ng kurikulum, mas mapapalakas ang kakayahan ng mga guro sa pagbibigay ng de kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.