ABSTRACT : Ang pag-aaral na ito ay naglayong makabuo at magkaroon ng balidasyon sa panunuring pampelikula bilang tugon sa pagbuo ng makabagong dulog sa pagsusuri. Gumamit ang mananaliksik ng deskriptibong pagdulog sa metodong Mixed Method. Layon ng pananaliksik na mabigyang tugon ang mga sumusunod na layunin; matukoy ang lebel ng balidasyon ng mga guro at mag-aaral sa binuong elektronikong aplikasyon na binigyang bagong pangalan na Suritronikong Aplikasyon bilang makabagong dulog sa pagsusuri ng pelikula sa pag-uugali ng mag-aaral. Nilayon din na matukoy ang pagkakaiba ng balidasyon ng guro at magaaral sa binuong materyal. Gayundin nilayon din ng pag-aaral na ito na alamin ang mga pag-uugali na makikita mula sa mga mag-aaral pagkatapos na mapanood ang mga napiling pelikula para sa kagamitang pampagtuturo. Base sa nakalap na mga datos, lumabas na Lubos na Katanggap-tanggap ang binuong materyal na Suritronikong Aplikasyon batay sa; disenyo, pagkakaayos, nilalaman, at kahalagahan. Ayon naman sa resulta ng pag-uugaling dapat makita pagkatapos magsuri gamit ang Suritronikong Aplikasyon batay sa Damdamin, Pag-iisip, Kaasalan at Lipunan na may pamantayan na Nilalaman, Pagkaorganisa, Pagpapaliwanag, Kaugnayan, at Kalinawan makikita na mas nabibigyang pansin ng mga mag-aaral ang nilalaman nito. Mas naipapakita at nauunawaan ng mga mag-aaral ang nilalaman ng pelikula sa tulong ng paggamit ng Suritronikong Aplikasyon. Sa huli, ang haypotesis na walang makabuluhang epekto ang paggamit ng Suritronikong Aplikasyon sa pag-uugali ng mga mag-aaral ay malaki. Ipinakita rin na may umiiral na relasyon sa pagitan ng pagsusuri ng pelikula sa pag-uugali ng mga mag-aaral, subalit ang antas ng epekto ay nagkakaiba depende sa partikular na dimensyon ng paguugali. Para naman sa panghuling haypotesis na walang makabuluhang pagkakaiba sa resulta ng balidasyon ng mga guro at mag-aaral sa binuong materyal lumalabas na Walang makabuluhang Pagkakaiba. Dahil sa naging resulta ng pag-aaral inererekomenda ng mananaliksik na gamitin ng mga guro sa Filipino ang materyal na Suritronikong Aplikasyon bilang makabagong dulog sa pagsusuri ng Pelikula. Dahil bukod sa lubos itong katanggap-tanggap bilang kagamitang panturo ay napatunayan din na mayroon itong malaking epekto sa pagtukoy sa pag-uugali at pagpapaunlad ng kaalaman ng mga mag-aaral.
KEYWORDS : Elektronikong Aplikasyon, Suritronikong Aplikasyon, Kagamitang Pampagtuturo, Pagsusuri ng Pelikula