ABSTRAK: Ang pangunahing layunin ng penomenolohikal na pananaliksik na ito ay matukoy ang mga karanasan, pamamaraan, at pananaw ng mga mag-aaral hinggil sa pagpili ng medyor sa kolehiyo. Gumamit ang pag-aaral ng kwalitatibong disenyo ng pananaliksik gamit ang penomenolohiyang pagdulog. Gamit ang purposive sampling, natukoy ang labing-apat (14) na mag-aaral ng Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon, Medyor sa Filipino, na kasalukuyang nasa unang taon sa kolehiyo na siyang magiging kalahok ng pag-aaral. Pitong (7) mga kalahok para sa malalimang panayam (in-depth interview) at pitong (7) kalahok naman ang para sa pangkatang talakayan (focus group discussion). Ipinakita ng mga resulta ng pananaliksik na ang mga karanasan ng mga magaaral sa pagpili ng Filipino bilang medyor ay kinabibilangan ng mga sumusunod: pagkalito at pag-aalinlangan sa pagpili, impluwensiya ng mga nakapaligid, praktikal na dahilan, interes, kakayahan, at ang pagharap sa mga hamon sa kanilang sarili. Upang malampasan ang mga hamong ito, itinuturing nilang mahalaga ang mga sumusunod na mekanismo: ang pamilya bilang pangunahing motibasyon, ang personal na layunin bilang inspirasyon, mabisang estratehiya sa pag-aaral, pagiging matatag at pagtitiwala sa sarili, at ang pamamahala ng emosyon sa pag-aaral. Gayundin, ilang mahahalagang payo ang kanilang iminungkahi para sa mga mag-aaral na pipili ng medyor sa kolehiyo: ang pagpili ng medyor na tapat sa puso at interes, ang kahalagahan ng suporta mula sa mga magulang, ang pagpapalawak ng personal na kakayahan sa Filipino, at ang pagbabago ng pananaw sa Filipino bilang medyor.