ABSTRAK: Ang pag-aaral na ito ay naglalayong patunayan ang pagtanggap ng isang set ng bagong binuong talasalitaan sa istenong filipino sa pamamagitan ng mga ibinigay na indikasyon. Ang mga indikador tulad ng bilis ng pagta-type, pagbuo ng katumpakan, pagpapayaman ng bokabularyo, at pagtanggap ay sinuri ng grupo ng mga mag-aaral mula sa College of Business, Administration, and Accountancy (CBAA) sa Laguna State Polytechnic University, Main Campus. Ang pagtanggap sa mga bagong salita o prinsipyo sa istenong filipino ay gagamitin kasama ng mga salitang-ugat sa Filipino at magpapadali sa mga pamamaraan ng pagtuturo ng mga propesor. Gamit ang mga deskriptibo at debelopmental na pamamaraan ng pananaliksik, isang online na talatanungan na nasa anyong sarbey ang binuo ng mananaliksik at nakalap mula sa dalawampu’t limang (25) estudyante at limang (5) miyembro ng kaguruan. Ginamit ang weighted mean at standard deviation upang suriin ang estadistikang datos na nakalap sa pag-aaral. Natuklasan na ang mga indikasyon para sa bilis ng pagsusulat ay katanggap-tanggap habang ang lahat ng natitirang indikador para sa pagpapaunlad ng katumpakan, pagpapayaman ng bokabularyo, at pagtanggap ay lubos na katanggap-tanggap. Bukod dito, walang makabuluhang pagkakaiba sa grupo ng mga respondente kapag sila ay ipinangkat batay sa alinmang kategorya at kasarian. Kaya, ang bagong set ng binuong bokabularyo ng istenong filipino ay lubos na katanggap-tanggap at maaaring maging karagdagan sa talasalitaan sa istenong filipino. Ang pag-aaral na ito ay maaaring gamiting batayan sa hinaharap ng mga mananaliksik sa parehong larangan upang paunlarin pa ang mga prinsipyo ng isteno sa isang bago at madaling paraan ng pagsusulat ng istenong filipino.
Susing Salita – salitang-ugat; sulat-kamay; paraan ng pagtuturo, talasalitaan, isteno