ABSTRAK: Ang komprehensyon ay isang mahalagang kasanayan na nagsisilbing pundasyon ng tagumpay ng mga mag-aaral, hindi lamang sa kanilang akademikong buhay kundi pati na rin sa pagharap sa mga hamon ng mas malawak na mundo. Kaugnay nito, nilayon ng pag-aaral na masuri ang mga salik na nakaaapekto sa komprehensyon ng iilang mga mag-aaral sa Filipino 7 upang makapagmumungkahi ng potensyal na interbensyon na maaaring magamit sa silidaralan upang mapaunlad ang kasanayan sa pag-unawa ng mga mag-aaral. Ang pag-aaral na ito ay isang kwalitatibo at kwantitatibong pananaliksik. Batay sa resulta, natuklasan na ang mga salik na nakaaapekto sa komprehensyon ng mga mag-aaral sa Filipino 7, makikita na ang mga hamon sa pag-unawa sa mga salita at teksto ay may malalim na ugat sa kakulangan ng bokabularyo, estratehiya sa pag-unawa, at motibasyon ng mga mag-aaral. Dagdag pa, ang balanseng paggamit ng tradisyonal na sanggunian at ng modernong teknolohiya ay mahalaga at makatutulong sa pagpapabuti ng pag-unawa ng mga mag-aaral. Iminumungkahi para sa mga mag-aaral at guro na maglaan ng oras para palawakin ang bokabularyo sa Filipino gamit ang mga kagamitan at estratehiyang makatutulong sa mag-aaral.
Mga Susing Salita: Filipino, guro, komprehensyon, mag-aaral, pag-unawa