ABSTRACT: Ang pananaliksik na ito ay isinagawa upang tukuyin ang kaligirang pampagkatuto ng mga magaaral ng Batsilyer sa Sekundaryang Edukasyon Major sa Filipino sa Kapalong College of Agriculture, Sciences, and Technology (KCAST) gamit ang Convergent Parallel Mixed Methods. Sa bahaging kwantitatibo, 154 na magaaral ang lumahok, at sinuri ang mga datos gamit ang descriptive statistics upang masukat ang antas ng kanilang kaligirang pampagkatuto sa tatlong aspeto: Positibong Pakikitungo, Pansariling Pagsalungat, at Pagtitiyaga sa Katayuan. Samantala, sa kwalitatibong bahagi, sampung mag-aaral ang napiling kalahok sa apat na in-depth interview (IDI) at isang focus group discussion (FGD) sa pamamagitan ng purposive sampling. Lumabas sa resulta na may mataas na antas ng kaligirang pampagkatuto ang mga kalahok, kung saan nanguna ang Positibong Pakikitungo at pinakamababa ang Pansariling Pagsalungat. Mula sa kwalitatibong pagsusuri, lumitaw ang mga temang gaya ng aktibong paglahok, kolaborasyong pangmag-aaral, paggamit ng mga kasangkapan sa pagkatuto, at kahalagahan ng pahinga. Ipinakita ng pagsasama ng datos na may pagkakatugma sa resulta ng dalawang metodo, na nagbibigay-diin sa pangangailangan ng mas inklusibong suporta, sapat na kagamitan, at mas matibay na ugnayan sa pagitan ng mag-aaral at institusyon upang mapabuti ang kalidad ng pagkatuto.
KEYWORDS : Kaligirang Pampagkatuto, Mag-aaral sa Filipino, Mixed Methods, Philipines