ABSTRAK : Ang pag-aaral na ito ay naglalayong suriin ang mga saloobin tungo sa pagsulat ng akademikong sulatin, ekstensibong pagbasa at ang kanilang kaugnayan sa akademikong performans ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino sa Senior High School sa Andres Bonifacio College, Inc. sa taong panuruan 2024-2025. Gumamit ito ng descriptive-correlational na pamamaraan ng pananaliksik. Ang mga istatistikang kasangkapan na ginamit ay ang bilang ng, Mean, standard deviation, at Spearman Rank-Order Correlation Coefficient (Spearman rho), gamit ang Microsoft Excel Data Analysis ToolPak bilang estadistikal na software. Natuklasan sa pag-aaral na ang mga respondete ay mayroong mataas na antas ng saloobin sa pagsulat ng akademikong sulatin. Subalit katamtaman ang antas ng kanilang saloobin sa ekstensibong pagbasa habang lubos na mahusay naman sa akademikong performans sa asignaturang Filipino. Lumabas din sa pag-aaral na mayroong mahinang ugnayan ang nakita sa pagitan ng akademikong performans ng mga respondente at ang kanilang mga saloobin sa ekstensibong pagbasa sa asignaturang Filipino. Batay sa pag-analisa ng mga natuklasan at konklusyon sa pagaaral na ito, inirekomenda ng mananaliksik na gumamit ang mga guro ng mga estratehiyang nakakaengganyo sa mga mag-aaral na magbasa at magsulat sa wikang Filipino.
MGA SUSING SALITA: Saloobin sa pagsulat ng akademikong sulatin, ekstensibong pagbasa, akademikong performans